Isinagawa ngayong Martes, Marso 19, 2024 ang 1st quarter Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) regular meeting na pinangunahan ni Governor Manuel Mamba na siya ring Chairman ng Council na ginanap sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa naganap na pagpupulong, inaprubahan ang reprogramming ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) Special Trust Fund 2024 at reprogramming ng LDRRMF capital outlay para ngayong taon.
Maging ang anim na resolution na nagsasaad ng ilang hakbang na kinakailangan tulad ng pagsasagawa ng executive training courses para sa lahat ng Municipal DRRMC at iba pang hakbang para matugunan o mabawasan ang malubhang epekto ng kalamidad at paghahanda sa anumang sakuna.
Iprinisinta ng Provincial DRRM Office at inaprubahan din ng council ang pitong executive order at ang Local Climate Change Action Plan (LCCAP) o ang mga plano na gagawin ng mga miyembro ng council para mabigyan ng tugon ang epekto ng climate change sa probinsya.
Kaugnay rito, sinabi ni Gov. Mamba na kailangan ay isama at magawa ang lahat ng mga plano lalo na sa pagtugon sa kalamidad at bilang paghahanda na rin sa pagkakaroon ng koneksyon sa mga kalapit at mayayamang bansa.
Aniya, “ang mga imprastraktura kasama ang mga district hospital ay maayos na, may mga naorganisa na ring mga tao sa pamamagitan ng Agkaykaysa, at malapit na ring maging insurgency free ang probisya na paghahanda sa muling pagbubukas ng International Seaport at pagpapatayo ng International Airport na makatutulong sa bawat Cagayano at sa paglago ng ekonomiya.”
Nagpasalamat din ang ama ng lalawigan sa 48 na miyembro ng council na dumalo sa naturang pagpupulong sa kanilang kooperasyon at suporta para matugunan ang mga pangangailangan ng bawat Cagayano lalo na sa panahon ng kalamidad at sakuna.