Patuloy ang pagbibigay abiso at pag-alerto ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katuwang ang Municipal DRRM Council ng bayan ng Sta. Ana sa publiko kaugnay sa posible umanong pagbagsak ng debris mula sa China’s Long March 7A na inilunsad ng bansang China.
Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-In-Charge ng PDRRMO, natanggap na nila ang abiso mula sa National DRRMC kung kaya’t agad nagpulong ang kanilang tanggapan kasama ang MDRRMC Sta. Ana upang mabigyang babala ang lahat ng mga residente sa naturang lugar.
Aniya, hindi pa umano malinaw sa ngayon kung saan at kung gaano kalaki ang sinasabing debris.
Una rito, nagbigay ng abiso ang Philippine Space Agency (PhilSA), na isa sa drop zone ng debris mula sa naturang rocket ay sa karagatang sakop ng Sta. Ana at Burgos sa probinsya ng Ilocos Norte.
Kaugnay nito, hinimok ni Rapsing ang publiko lalo na ang mga mangingisda na pumapalaot na agad ipagbigay alam sa kinauukulan kung may makitang debris at huwag umano itong hawakan.
Sa ngayon, sinabi ni Rapsing na hindi pa maaaring magtaas ng “No Sail” policy dahil wala pang malinaw na impormasyon kaugnay sa naturang debris, ngunit aniya ay nakahanda na ang kanilang tanggapan sa mga ipapamahaging tulong sa mga posibleng maaapektuhang mangingisda.