CAGAYAN PDRRMO, PINABALIK NA ANG MGA RESIDENTENG LUMIKAS KASUNOD NG PAGKANSELA NG TSUNAMI ALERT

Pinabalik na ang mga residente sa kanilang mga tahanan na unang lumikas dahil sa tsunami alert na inilabas ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) kasunod ng 7.5 magnitude na lindol sa Taiwan kaninang umaga, Abril 03, 2024

Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pinauwi na ang mga residente matapos kanselahin ng PHIVOLCS ang tsunami alert.

Una rito, inilikas ang mga residente na nasa coastal area ng lalawigan nang ilabas ng PHIVOLCS ang alerto bilang pag-iingat sa banta ng tsunami.

Pinasalamatan naman ni Rapsing ang Municipal DRRMO maging ang mga Local Chief Executive (LCE) dahil sa kanilang maigting na koordinasyon at pakikipagtulungan upang agad tugunan ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko.

Samantala, pinuri naman ni Leon DG. Rafael Jr., Regional Director ng Office of Civil Defense (OCD) Region 02 ang mga miyembro ng Cagayan Valley Regional DRRM Council dahil sa mabilis na pagresponde at pagtugon sa mga kinakailangang gawin sa banta ng tsunami.

Aniya, ang nangyaring tsunami alert ay nagsilbing drill din sa kanilang hanay upang malaman kung gaano kahanda ang isang bayan kapag nakaranas ng mga kalamidad tulad ng tsunami.

Kaugnay rito, sinabi ni RD Rafael na bagamat naging mabilis ang mga hakbang ng council, marami pa ring dapat matugunan dahil may responders umano na nagtatanong pa kung kinakailangan nang ilikas ang kanilang residente gayong kabilang naman ang kanilang bayan na dapat agad magsagawa nito.

Sa kabuuan, pinasalamatan ni RD Rafael ang bawat miyembro ng CVDRRMC sa kanilang agarang aksyon para matiyak ang kaligtasan ng publiko.