COORDINATION MEETING PARA SA PAGSASAGAWA NG ROAD CLEARING OPERATION SA CAGAYAN, ISINAGAWA NGAYONG ARAW

Isinagawa ngayong araw, Pebrero 03 ang coordination meeting para sa pagsasagawa ng road clearing operation sa mga pangunahing lansangan sa probinsya ng Cagayan.

Ayon kay Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na siyang nanguna sa nasabing pagpupulong, malaking tulong ito upang mapanatili ang magandang daloy ng trapiko sa probinsya.

Aniya, mahigpit ang kanilang magiging koordinasyon sa mga Local Government Unit (LGU) sa lalawigan na magiging katuwang para maipatupad ng maaayos at mapayapa ang hangarin na maiwasan ang mabigat na trapiko lalo na sa lungsod ng Tuguegarao.

Nangako rin umano ang Provincial Engineering office (PEO) na kasama rin sa nasabing pagpupulong, na makikipag-ugnayan sa mga Municipal EO para sa road clearing operation.

Sinabi ni Rapsing na ang hakbang na ito ay isang paraan para mas maenganyo pa ang mga turista na nais bumisita sa mga pook pasyalan maging ang mga nais magpatayo ng negosyo sa lalawigan upang hindi maging sagabal para sa kanila ang mabigat na daloy ng trapiko.

Kasama umano sa naturang pagpupulong ang mga kapulisan, Bureau of Fire Protection (BFP), Task Force Lingkod Cagayan at ilang kawani ng kapitolyo.