Nakatakdang magsasagawa ng Provincial Disaster Response Summit ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katuwang ang mga Municipal DRRM sa lahat ng bayan sa lalawigan.
Sa naganap na pagpupulong ng mga MDRRMOs na inorganisa ng PDRRMO, sinabi ni Rueli Rapsing, Officer-in-charge (OIC) ng PDRRMO, isa sa kanilang gagawing aktibidad bago matapos ang taon ay ang DRRM Summit.
Ayon kay Rapsing, ito ay para malaman ang mga hazard areas o mga panganib na lugar sa kani-kanilang bayan sa tuwing may bagyo, baha, pagguho ng lupa, at lindol.
Aniya, layon nitong makabuo ng Provincial Disaster Response Plan na magiging basehan ng lahat para sa implementasyon ng mga programa at aktibidad ng probinsiya patungkol sa disaster response.
Isasabay din umano sa naturang aktibidad ang pagkolekta sa mga output ng mga naging kalahok sa isinagawang Provincial Interoperability Simulation Exercise (PISE) nitong nakaraang buwan para makita kung gaano kahanda ang mga responder at kung ano pa ang kailangang idagdag.
Sa ngayon, wala pang eksaktong araw kung kailan isasagawa ang naturang aktibidad, ngunit asahan umano na tatapusin ito ngayong buwan ng Disyembre.