Nakataas ang Gale warning sa mga baybayin ng Cagayan kasama na ang Babuyan group of Islands ngayong Miyerkules, Marso 20, 2024 dahil sa muling paglakas ng hanging Amihan.
Ayon sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng aabot sa limang metro ang taas ng alon sa mga baybayin na delikado sa mga maglalayag.
Kaugnay rito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko na iwasan munang pumalaot lalo na ang mga mangingisda na may maliliit na bangka.
Bukod sa Cagayan, nakataas din ang Gale warning sa baybayin ng Batanes, Isabela, Pangasinan, La union, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Ngayong Miyerkules, maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang posibleng mararanasan sa lalawigan ng Cagayan dahil sa Amihan.
Paliwanag ng PAGASA, posibleng hanggang sa araw ng Biyernes ay hihina at huling mararamdaman ang bugso ng Amihan na hudyat na rin ng pagpasok ng tag-init.
Samantala, Easterlies o mainit na hangin na nagmumula sa dagat Pasipiko ang nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa.