Posibleng muling iiral at maramdaman bukas, Marso 19, 2024 hanggang sa linggong ito ang huling bugso ng Hanging Amihan sa mga lugar sa hilagang Luzon ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay Engr. Den Lavadia ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, nitong nakalipas na araw ay hindi naramdaman ang epekto ng Amihan sa Cagayan pero muli itong mararamdaman bukas.
Aniya, ito na ang huling bugso ng Amihan na mararamdaman at kasabay ng pagtatapos nito ay hudyat na rin ng pagdedeklara ng “dry season” o tag-init.
Sinabi ni Engr. Lavadia na sa darating na buwan ng Abril at Mayo ay posible ang mas mainit na temperatura dulot na rin ng “Strong El Niño” at ang dry season.
Paglilinaw ni Engr. Lavadia na bagamat may “strong El Niño” ay hindi umano ibig sabihin na wala ng ulan na mararanasan, sa halip ay mas mababa lamang sa inaasahang buhos ng ulan o below normal rainfall ang mararanasan.
Sa ngayon, sinabi ni Engr. Lavadia na Easterlies o ang mainit at maalinsangang hangin na nagmumula sa dagat Pasipiko ang nakaaapekto ngayong Lunes sa Cagayan at mga kalapit na probinsya sa hilagang Luzon.
Sinabi ni Engr. Lavadia na batay sa kanilang pagtaya ng panahon ngayong Lunes, nasa 23-34 degrees Celsius ang posibleng maramdaman sa Cagayan.