BAGONG GUSALI NG CAGAYAN PDRRMO NA IPINANGALAN KAY COL. DARWIN B. SACRAMED, PINASINAYAAN
Pinasinayaan ngayong Martes, Abril 14, 2026 ang bagong gusali ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ipinangalan sa dating head na si Col. Darwin B. Sacramed, na pumanaw nitong nagdaang buwan.
Si Col. Sacramed ay nagsilbi sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang Provincial Administrator at hepe ng PDRRMO mula 2020 hanggang 2022 kung saan kanyang ipinakita ang dedikasyon, katatagan, at malasakit sa paglilingkod lalo na sa larangan ng disaster risk reduction and management.
Sa ginanap na pagpapasinaya na pinangunahan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, kanyang pinasalamatan ang lahat ng mga opisyal na nagtrabaho para maipatayo ang naturang gusali lalo na kina Bise Gobernador Manuel Mamba na siyang Gobernador noong simulan ang gusali at sa yumaong si Col. Sacramed.
Ipinangako rin niya na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang mga sinimulang proyekto at programa lalo na sa usapin ng DRRM.
Hinimok din nito ang lahat ng mga responder kabilang na ang mga rescuer ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) na gampanan ang kanilang mga tungkulin para matiyak ang kaligtasan ng kapwa Cagayano.
“Today, we mark a milestone, not just in infrastructure, but in our collective commitment to protect lives, safeguard communities, and secure the future of our province,” saad ni Gob. Aglipay
Samantala, emosyonal namang inihayag ni Sanchez Mira Vice Mayor Dr. Connie Marie Sacramed ang kanyang labis na pasasalamat sa ibinigay na pagkilala sa kanyang yumaong asawa.
Kasabay nito, isinagawa rin ang unveiling ng commemorative plaque ng naturang gusali na pinondohan ng P26,500,000 na sinimulan noong 2021 at natapos nitong nakaraang taon kung saan sa ikatlong palapag nito ay matatagpuan ang command center ng lalawigan.
Sinaksihan naman ng mga ibang miyembro ng PDRRM Council, iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, department heads at mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan ang pagpapasinaya. (Digna Bingayen)
