Nakahanda na ang mga rescue equipment ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa pagbabantay sa iba’t ibang lugar sa probinsya ngayong Semana Santa.
Sa naging panayam kay Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), simula sa araw ng Miyerkules ay nakataas na sa red alert status ang kanilang opisina.
Ayon kay Rapsing, ang mga rescue vehicle ay ilalagay sa mga pook pasyalan maging sa mga simbahan na inaasahang dadagsahin ng mga deboto.
Ang mga floating asset aniya ay ipapakalat din sa mga ilog at dagat na madalas puntahan ng publiko na magagamit kung kinakailangan.
Masayang ibinahagi rin ni Rapsing na mayroong dalawang drone ang kanilang opisina na magagamit at makatutulong sa kanilang pagmonitor sa Mahal na Araw.
Maglalatag din aniya ang mga kawani ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) ng checkpoint o ang “Oplan Lakbay Alalay” katuwang ang mga uniformed personnel sa mga boundary na papasok at palabas ng probinsya.
Samantala, sinabi ni Rapsing na pinauubaya na ng PGC sa mga ang Local Chief Executive (LCE) kung magpapatupad ng “liquor ban” ang kanilang LGU.