Kasalukuyang sumasailalim sa Water, Search and Rescue o WASAR Training ang mga kawani ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) at 17th Infantry battalion Philippine Army sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Ayon sa Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management office (PDRRMO) na silang nangunguna sa naturang pagsasanay, sinimulan ang nasabing pagsasanay noong Abril-16 at matatapos bukas, Abril 19, 2024.
Layon ng aktibidad na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga rescue team sa basic life support kasama na ang pagsagip sa mga na-trap sa baha, pagbibigay ng first aid o paunang lunas at “boat handling” para kaagad na makapagresponde sa panahon ng sakuna.
Ang naturang pagsasanay ay nilahukan ng 16 na sundalo mula sa 17IB at 12 na kawani ng TFLC-QRT na hindi pa sumasailalim sa kahalintulad na pagsasanay.
Sinabi ng naturang tanggapan na malaking tulong ang pagsasanay na ito sa mga kalahok dahil sila rin ang nangunguna sa pagresponde sa anumang kalamidad o sakuna.
Ang WASAR training ay isinasagawa ng PDRRMO sa iba’t ibang munisipalidad at ibang ahensiya na humihiling sa kanilang tanggapan na nais sumailalim sa naturang pagsasanay.