STRONG EL NIÑO, POSIBLENG HANGGANG NGAYONG UNANG QUARTER NA LAMANG NG TAON-PAGASA

Posibleng hihina at matatapos ngayong unang bahagi ng taon ang umiiral na “Strong El Niño” sa bansa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay Engr. Romeo Ganal ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division na batay sa kanilang monitoring, naabot na ang maximum peak o pinakamatinding panahon ng tagtuyot.

Paliwanag ni Engr. Ganal, bagamat unti-unti nang matatapos ang “Strong El Niño” ay posible pa ring magtagal ang epekto nito hanggang sa buwan ng Mayo.

Kaugnay rito, ang Department of Agriculture (DA)Region 02 ay nagsasagawa na ng cloud seeding sa ilang lugar sa rehiyon nitong nakaraang araw, bilang tugon sa kakulangan ng tubig lalo na sa mga sakahan.

Samantala, paliwanag ng PAGASA na posibleng maikling panahon lamang na maranasan ang “neutral condition” o ang pagkakaroon ng transition dahil sa pagpasok ng La Niña.

Sa ngayon, 55% umano ang posibilidad na makaranas ng La Niña ang bansa sa ikatlong quarter ng taon at posibleng sa buwan ng Abril ay sabay na ilalabas ng PAGASA ang pagtatapos ng panahon ng tagtuyot at ang pag-anunsyo ng La Niña Watch.