Kasalukuyang nakikiisa ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) sa limang araw na Regional Rescue Jamboree sa probinsya ng Quirino.
Ayon kay Ruben Telan ng TFLC-QRT, isa sa mga lumahok, nagsimula kahapon, Marso 11, 2024 ang aktibidad at matatapos sa araw ng Biyernes, Marso 15, 2024.
Aniya, 14 na rescuers mula sa Cagayan na galing sa iba’t ibang station ng TFLC-QRT ang lumahok sa naturang aktibidad.
Sinabi ni Telan na ilan sa kanilang nakatakdang gagawin ay ang basic life support at iba pang mga pamamaraan nang pagresponde na magagamit sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Nabatid kay Telan na ang aktibidad ay may layuning mas mapahusay pa ng bawat rescuer ang kanilang tungkulin at upang magkaroon ng pagkakaisa sa ibang mga rescuer sa rehiyon.
Ang naturang aktibidad ay binubuo ng mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal DRRM sa rehiyon.
Taon-taon na isinasagawa ang kaparehong aktibidad kung saan nitong nakalipas na taon ay ginanap ito sa Nueva Vizcaya na dinadaluhan din ng ilang kawani ng Cagayan PDRRMO at TFLC-QRT.