CLOUD SEEDING OPS, ISINAGAWA NG DA SA CAGAYAN VALLEY BILANG TUGON SA EPEKTO NG EL NIÑO

Nagsagawa ng cloud seeding operation ang Department of Agriculture (DA) katuwang ang Philippine Air Force (PAF) at Bureau of Soils and Water Management (BSWM) kung saan naramdaman ang malakas na buhos ng ulan noong Pebrero 25, 2024.

Ang cloud seeding ay isinasagawa upang maibsan ang kakulangan ng tubig dulot ng El Nino kung saan nagpalipad sila ng eroplano na 4500 feet ang taas mula sa lupa at naglagay sila ng asin sa ulap na dahilan ng pag-ulan.

Isinagawa ito sa bayan ng Iguig, Enrile, at sa lungsod ng Tuguegarao sa Cagayan. Gayundin sa Sto Tomas, Sta. Maria, Ilagan, Benito Soliven sa Isabela, at Villaros, Bagabag, sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Dr. Rose Mary G. Aquino, OIC Regional Executive Director ng DA RFO 2, naging matagumpay ang unang operasyon ng cloud seeding. Umaasa siyang magbibigay ito ng ginhawa sa mga pananim dahil sa El Niño.

Ayon naman kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA-Region 2, dati na umano silang nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng online conferences sa Philippine Air Force, Bureau of Soils and Water Management, DA DRRM at NIA Region 2 upang planuhin ng maayos ang aktibidad bago ito isagawa.

Sa kabila nito, sinabi rin ni Engr. Daisy Saldo ng Regional Agriculture Engineering Division, DA RFO 2 na marami muna silang ikokonsiderang parameters gaya ng pagtukoy sa formation ng ulap.

Samantala, nasa magihit 800kgs ng sodium chloride o asin na katumbas ng 33 na sako ang nailagay sa mga ulap.